Mga obispo handa na sa 'face-to face' sa mga senador

MANILA, Philippines - Handa ang anim na Obispo na inaakusahang tumanggap ng sports utility vehicle (SUV) mula sa pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na makipag-face to face sa mga Senador kaugnay ng kanilang isasagawang imbestigasyon ngayon.

Kabilang sa mga kumpirmadong dadalo sa Senate hearing ay sina Cotabato Archbishop Orlando Quevedo, Butuan Bishop Juan de Dios Pueblos, Bangued Abra Bishop Leopoldo Jaucian, Bontoc-Lagawe Bishop Rodolfo Beltran, Basilan Bishop Martin Jumoad at Zamboanga Archbishop Romulo Valles.

Si Quevedo umano ang magiging “spokesman” o tagapagsalita ng grupo sa pagdinig na gagawin nga­yong alas-9:30 ng umaga.

Ayon kay Quevedo, nagpasya silang dumalo sa pagdinig dahil nais nilang maibigay ang kanilang panig at malinawan na ang mga katanungan sa isyung ibinabato sa mga Obispo.

Tiniyak naman ni Senator Teofisto Guingona, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na magiging patas sila at papa­kinggan ang panig ng mga Obispo.

Sinabi pa ni Guingona na mas makakabuting hintayin na lamang ang sasabihin at paliwanag ng mga Obispo tungkol sa mga mamahaling sasakyan. (Doris Franche/Malou Escudero)

Show comments