Alok ni Zaldy pinalagan ng pamilya ng mga minasaker
MANILA, Philippines - Ibinasura ng mga pamilya ng 58 biktima ng “2009 Maguindanao massacre” ang alok ni Zaldy Ampatuan.
Sinabi ni Atty. Harry Roque, abogado ng pamilya ng 15 sa mga biktima, hindi nila kailangan ang testimonya ni Zaldy dahil sapat umano ang kanilang mga ebidensya upang idiin ang buong angkan ng mga Ampatuan at daan pang kasabwat sa krimen.
Ipinaliwanag ni Roque na hindi sapat ang sinasabi ni Zaldy na wala siya sa lugar nang krimen nang maganap ito dahil sa kasama siya sa sabwatan tulad ng kanyang ama na si Andal Sr. na wala rin sa lugar ng masaker.
Hindi pa nababasahan ng sakdal si Zaldy dahil sa nakabinbin nitong petisyon sa Court of Appeals na humihiling na maalis ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga suspek habang una nang nagbigay ng “not guilty plea” ang kanyang nakababatang kapatid na si Andal Jr. at ama na si Andal Sr.
Bago ang alok ni Zaldy, una nang may lumutang na impormasyon na isang matinding away ang namagitan sa pagitan nito at ng kanyang ama at kapatid at hindi nagkikibuan habang nakadetine sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa, Taguig City. Sinisisi umano ni Zaldy si Andal Jr. dahil sa pagtuloy sa masaker sa kabila ng kanya umanong oposisyon dito dahil kasama ang mga miyembro ng media.
Tumibay pa ito makaraang ihiwalay si Zaldy ng selda na nakaditine sa cell number 6 habang ang mag-amang Andal Sr at Jr. ay nasa cell number 1.
Kinukuwestiyon rin ni Roque ang motibo ni Zaldy sa tangkang pagbaligtad kung saan maaari umano na nais lamang nitong iwasan ang mga kaso laban sa kanya. Posible rin umano na si Zaldy ang nais nilang iligtas sa kaso upang maisalba nito ang kapangyarihan at ari-arian na nananatili pa sa Maguindanao para sa kanilang pamilya.
- Latest
- Trending