MANILA, Philippines - Humingi ng paumanhin ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa publiko matapos masangkot ang ilang miyembro ng kanilang grupo sa sinasabing pagtanggap ng mga SUV’s mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa isang pastoral letter na nilagdaan ni outgoing CBCP president Bishop Nereo Odchimar, humingi ng paumanhin ang CBCP sa pagkakasangkot ng ilang miyembro nila sa kontrobersya subalit nakiusap din ang mga ito na huwag kaagad silang husgahan.
Nakasaad pa sa pastoral letter, hindi sila dapat kaagad husgahan ng publiko hinggil ditto at nais din nilang malaman ang katotohanan sa kontrobersya.
Magugunita na lumitaw sa ulat ng PCSO na 7 Obispo umano ang tumanggap ng donasyong SUV’s sa nakaraang administrasyon gamit ang pondo ng PCSO.
Inamin din ng CBCP na lubhang naapektuhan din ang Simbahan sa nasabing kontrobersya.
“There is no doubt that everywhere in the Church, there is a great sorrow. We, your pastors, are one with you as shepherds struggling to love you like Jesus, the Good Shepherd. We are sorry for the pain and sadness that these events have brought upon you. We are saddened that many of you, especially the poor, the youth, our basic ecclesial communities, have been confused by the apparent inconsistency of our actions with our pastoral preaching,” wika pa sa pastoral letter.
“As we express our sadness we also ask you to be slow in judgment and conscientiously seek the whole truth behind controversy,” dagdag pa sa statement ng Simbahan.
Winika pa ng CBCP, nakahanda nilang harapin ang responsibilidad at anumang kahihinatnan kapag napatunayang may anomalya, labag sa batas at labag sa Konstitusyon ang ginawa ng ilan nilang miyembro.
Anila, tinanggap ng ilan sa kanilang miyembro ang donasyon ng walang malisya at nais nilang gamitin ito upang tumulong sa mahihirap.
Nilinaw din kaagad ni PCSO chairperson Margie Juico, na walang halong pulitika ang ginawang pagbubunyag ng kanilang board kaugnay sa sinasabing pagtanggap ng ilang Obispo ng mga SUV’s sa nakaraang administrasyon at wala rin itong kinalaman sa pagkontra ng Simbahan sa RH bill.
Mariing itinanggi ni Juico ang akusasyon ni former PCSO board member Manoling Morato na may motibong pulitikal ang kasalukuyang board kaya ginawa ang pagbubunyag na ito.