MANILA, Philippines - Mariing tinututulan ng mga kongresista ang planong pagsasapribado ng operasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Gaming Corporation (PAGCOR).
Sinabi ni Citizens Battle Against Corruption (Cibac) Party list Rep. Sherwin Tugna, magandang balita umano ang pagnenegosyo at pagsasapribado ng PCSO subalit isang malaking kawalan naman umano sa charity at social responsibility nito.
Ito ay dahil ang layunin umano ng negosyo ay ang kita at ang pagtulong ay walang kabuluhan sa sandaling maging layunin ng PCSO ang kumita sa halip na tumulong.
Paliwanag pa ni Tugna, ang problema ng PCSO ay hindi ang pamamalakad dito kundi ang pagkabigo nito na kumita at tumaas ang assets upang magamit na pantulong sa mga mahihirap na benipisyaryo ng tulong mula dito.
Para naman kay Eastern Samar Rep. Ben Evardone,ang pagsasapribado ng PCSO ay isusulong bilang pang matagalang solusyon at ang gobyerno ay dapat na umallis sa negosyong sugal at tumutok na lamang bilang regulator.
Subalit sa kasalukuyan umano ay dapat na magkaroon muna ng agarang structural reforms sa disbursement ng PCSO funds upang masiguro na mayroong transparency at mapupunta lamang ang pondo sa nangangailangan ng tulong.
Sinabi naman ni Zambales Rep. Mitos Magsaysay,marami pang dapat na i-consider sa pagsasa pribado ng PCSO bago magdesisyon ang gobyerno.
Nauna nang inirekomenda ni Senador Franklin Drilon ang pagsasapribado ng PCSO matapos na mabunyag sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang illegal na paggamit ng intelligence funds ng ahensya.
Bukod sa PCSO inirekomenda din ni Drilon na isapribado ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) upang masiguro ang transparency sa kita ng lotto at casino operations.