MANILA, Philippines - Hindi pa man nakakabangon sa dinanas na magnitude 9 na lindol at tsunami, muli na namang niyanig ng 7.1 magnitude ang northeastern coast ng Japan bunsod ng agarang pagpapalabas ng tsunami warning sa mga apektadong lugar at baybayin, kahapon.
Base sa report ng Japan Meteorological Agency, ang 7.1 na lindol ay tumama dakong alas-9:57 ng umaga at agad na nagpalabas ng babala sa posibleng pagragasa ng tsunami sa mga residente malapit sa mga baybayin nito na karamihan ay naapektuhan ng 9 magnitude na lindol.
Ang epicenter ng lindol ay nakita sa Pacific Ocean malapit sa pangunahing isla ng Japan na Honshu na may lalim na 6 milya o 10 kilometro.
Tinataya ng mga opisyales ng Japan na maaaring magdulot ng tsunami ang nasabing huling lindol na may taas na 20 inches o 50 sentimetro. Gayunman, nasukat ang mga unang bugso ng tsunami sa 4 inches o 10 centimeters lamang.
Dahil sa mabilis na pagbaba ng tsunami warning ay agad na lumikas ang mga residente.
Nabatid na ang mga dating mga gusali na humina dahil sa pagtama ng 9 magnitude na lindol noong Marso 11, 2011 ay nagbagsakan habang ang sumabog noon na Fukushima Daiichi nuclear power plant ay hindi nakitaan ng anumang depekto o abnormalidad.
Patuloy naman ang operasyon ng mga paliparan matapos ang nasabing lindol.
Magugunita na tinatayang 28,000 ang nasawi at nawawala sa 9 magnitude na lindol na sinasabing pinakamalakas sa kasaysayan ng Japan kung saan 20-30 porsyento sa mga lindol na tumatama sa buong mundo ay sa Japan.