MANILA, Philippines - Sinimulan na ang ban o pagbabawal sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na makapasok sa Saudi Arabia matapos na limang Pinoy ang sinampolan ng Saudi Immigration authorities nang tatakan ang kanilang mga pasaporte ng “exit only” dahil na rin sa mahigpit na pagpapatupad ng “Saudization scheme” sa mga foreign workers.
Sa tinanggap na reklamo ni John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante Middle East, unang nakaranas ng higpit ng Saudi Immigration ang apat na Pinoy engineers na paalis sa Saudi at magbabakasyon lamang sa Pilipinas.
Ayon sa apat na engineer, nilagyan ng stamp na “Exit” ang kanilang passport bagaman may inisyu sa kanila na exit/re-entry visa. Ang ibig sabihin ng “Exit” ay hindi na sila pinapayagang makapasok at makabalik sa Saudi.
Humingi umano ng paliwanag ang apat na Pinoy sa mga immigration officer kung bakit “Exit” ang itinatak sa kanilang exit/re-entry visa subalit wala umanong ibinigay na malinaw na sagot o paliwanag ang Saudi Immigration.
Isang OFW din kasama ang kanyang misis at dalawang anak ang hindi pinayagang makapasok sa Saudi.
Nabatid na umuwi sa Pilipinas ang nasabing OFW ng nakalipas na buwan at hindi niya napansin na tinatakan ng “Exit” ang kanyang passport at nang bumalik sa Saudi kasama ang pamilya na kanyang inisponsoran ay hinarang sila at hindi pinayagang makapasok.
Bunsod nito, agad ipinarating ni Monterona kay Labor Attaché Albert Valenciano, head ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh ang nasabing insidente.
Nagulat si Valenciano sa naturang report at agad na nakipag-ugnayan kay Phl ambassador-designate Ezzadin Tago upang humingi ng klaripikasyon sa Saudi authorities.
Sa ilalim ng Saudization, ang mga OFWs na nanatili o nagtrabaho sa Saudi ng anim na taon ay hindi na papayagang makapasok sa Saudi at ang mga Saudi nationals na ang bibigyang prayoridad ng kanilang gobyerno na mabigyan ng trabaho.
Tinataya ng Department of Labor and Employment na may 140,000 hanggang 300,000 OFWs ang tatamaan sa nasabing “Saudization”.