Koreano grabe sa bigong robbery/holdup

MANILA, Philippines - Isang Koreano ang malubhang nasugatan makaraang pagsasaksakin ng dalawang holdaper sa naganap na insidente nitong Sabado ng madaling araw sa Iloilo City.

Kinilala ang biktima na si Joung Moom Seok, 23, tubong Daegu City, South Korea na nagtungo sa Pilipinas para mag-aral ng salitang English.

Sa report ng Iloilo City Police, naganap ang insidente sa kahabaan ng Luna Street, Lapaz District, Iloilo City dakong ala-1 ng madaling araw.

Kasalukuyang naglalakad sa lugar ang Koreano nang sundan ng mga suspek na armado ng patalim na agad nagdeklara ng holdap.

Agad pinagsasaksak ng mga suspek ang Koreano na bagaman sugatan ay nagawang makatakbo at makahingi ng tulong.

Naaresto naman ng tumugis na mga operatiba ng pulisya ang mga suspek na sina Jade Gulmatico, 20, at Dan Paul Patingan, 21, na positibong itinuro ng biktima.

Humihimas na ngayon ng rehas na bakal ang mga suspek na nahaharap sa kasong frustrated homicide at serious physical injuries.

Show comments