MANILA, Philippines - Nanawagan ang Commission on Elections (Comelec) sa mga botanteng may kapansanan o persons with disabilities (PWDs) na samantalahin ang itinakdang National Registration Week mula Hulyo 18-23 para sa kanila. Layunin nito na bigyang prayoridad ang mga taong may kapansanan sa pagpaparehistro upang makaboto sa 2013 midterm elections.
Ang sistema ng continuing registration of voters at validation of registration records ay una nang itinakda ng Comelec mula Abril 1, 2011 hanggang Oktubre 31, 2012.
Ang aplikasyon para sa registration ay mula ika-8 ng umaga, hanggang ika-5 ng hapon, Lunes hanggang Sabado, kasama ang mga pista opisyal, sa lahat ng opisina ng Comelec sa buong bansa. Magbabakasyon lang ang pagpaparehistro simula Dis. 22, 2011 hanggang Enero 2, 2012, upang bigyang-daan ang holiday season.
Ayon sa Comelec, maglalagay rin ng satellite registration para matiyak ang mas malawak na voter participation.
Magkakaroon rin ng satellite registrations para sa detainee voters sa mga detention center simula sa Enero 12, 2012.
Kuwalipikadong magparehistro ang mga Filipino citizen na nasa 18 taong gulang na, naninirahan sa Pilipinas sa loob ng isang taon, at residente naman ng anim na buwan sa lugar kung saan niya nais bumoto. Kinakailangan lamang umano ng mga aplikante na magdala ng kahit anong balidong identification card (ID) sa pagpapatala.
Ang Community Tax Certificates (cedula) at sertipikasyon mula sa barangay ay hindi kinikilala bilang valid ID.