Malalaswang billboards 'di pwede sa EDSA
MANILA, Philippines - Tama lamang umano na baklasin ang mga malalaswang billboards sa mga pangunahing lansangan sa bansa lalo na sa Metro Manila dahil hindi maganda sa paningin ng mga bata.
Ito ang sinabi kahapon ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., sa harap ng krisismong tinanggap ni Mandaluyong Mayor Benhur Abalos dahil sa ginawang pagpapatanggal ng billboard ng mga miyembro ng rugby team ng Pilipinas na “The Volcanoes”.
Ayon kay Revilla, nagpakita lamang ng political will si Abalos lalo pa’t marami na rin naman umanong nagrereklamo laban sa billboards na nagiging sanhi rin ng pagbagal ng trapiko sa EDSA.
“Magandang desisyon yung ginawa ni Mayor. Hindi naman tama na-idisplay yung katawan mo sa kalsada,” pahayag ni Revilla.
Dapat din aniyang magkaroon ng pamantayan kaugnay sa size o laki ng billboard na dapat ilagay sa mga pangunahing lansangan na nagpo-promote ng kung anu-anong produkto.
Matatandaan na naging isyu ang naglalakihang billboards sa kahabaan ng EDSA noong 2006 sa kasagsagan ng bagyong Milenyo matapos mamatay ang isang taxi driver sa kanto ng Estrella St. at Edsa Avenue samantalang ilan naman ang napaulat na nasaktan sa pagbagsak ng isang malaking billboard.
Bagaman at nakalusot sa Senado ang panukalang batas na maglilimita sa laki ng billboards, pero hindi naman ito umusad sa House of Representatives.
Kabilang si Sen. Miriam Defensor-Santiago sa mga mambabatas na naniniwalang dapat magkaroon ng regulasyon sa sukat ng billboards.
- Latest
- Trending