AFP handa sa face-off vs LFS
MANILA, Philippines - Handa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na harapin sa alinmang korte ang League of Filipino Students (LFS) upang patunayan na nagsisilbing front ito ng recruitment ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bansa.
Ayon kay AFP-Civil Relations Service Chief Brig. Gen. Eduardo del Rosario, hindi nila aatrasan ang kasong isasampa ng LFS laban sa AFP.
Una rito, nagbanta ang LFS na magsasampa ng asunto laban sa AFP matapos namang ibuking ng huli na ginagamit ito ng NPA sa pangre-recruit ng mga estudyante na nilalansi ng mga ito para sumapi at mamundok sa piling ng komunistang grupo.
“It’s about time to prove it in court, the AFP welcomes the LFS plan to file a case in court,” ani del Rosario kontra sa nasabing militanteng organisasyon ng mga estudyante.
Sinabi ng heneral na nadiskubre niya ang baho ng LFS noong Brigade Commander pa siya sa Visayas at Mindanao kung saan karamihan sa mga rebeldeng kanilang nasakote ay mga nahinto sa pag-aaral matapos ma-recruit ng NPA sa pamamagitan ng LFS na aktibo umano sa panghihikayat sa mga kolehiyo at unibersidad.
Inihayag ng opisyal, maraming testigo ang AFP na aabot sa halos 100 ang bilang na handang magpatunay na ang LFS ay nagsisilbing ‘recruitment arm’ ng NPA rebels.
“Yang mga lider ng LFS, nakikiusap tayo na huwag irecruit ang mga walang kamalay-malay na estudyante sa illegal na organisasyon, makonsensya naman sila, huwag nilang sirain ang buhay ng mga students,” ani del Rosario.
- Latest
- Trending