Manila, Philippines - Sinampahan ng kaso ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang isang dating mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) at asawa nito kaugnay sa kontrobersyal na kaso ng tinaguriang “Euro Generals”.
Base sa resolusyon na inaprubahan ni acting Ombudsman Orlando Casimiro,pinakakasuhan nito ng paglabag sa Circular no. 507 ng Bangko Sentral ng Pilipinas sina dating PNP Police Director for comptrollership Gen. Eliseo dela Paz at asawa nitong si Maria Fe.
Sa record ng korte, napatunayan na hindi idineklara ng mag asawang akusado ang $EU105,000.00 na nasa kanilang pag iingat ng umalis sila ng bansa at sumama sa delegasyon ng PNP na dumalo sa 77th Interpol General Assembly noong Oktubre 7-11,2008 sa St. Petersburg, Russian Federation.
Nakasaad sa nasabing circular na sinumang indibiduwal na may dala o naglabas ng Philippine foreign currency na lagpas sa $10,000 at hindi idineklara ay may katapat na parusang naaayon sa Republic Act 7653 o New Central Bank Act.
Sa kabila nito kinasuhan ang dating heneral ng paglabag sa Article 237 ng Revised Penal Code kaugnay ng pagpapalawak sa kanyang trabaho kung saan sa kabila nang umabot na sa compulsory age nito na 56-anyos nang magretiro noong Oktubre 9, 2008 ay dumalo pa rin sa nasabing pagpupulong.
Bukod dito, tumanggap pa rin umano si Dela Paz ng designasyon nito bilang Special Disbursing OOfficer (SDO) ng PNP delegation sa kabila nang dapat na magretiro na siya.