SMI dapat magtanim ng mga puno ngayon para matuloy ang operasyon - Rep. Fuentes
Manila, Philippines - Nanawagan si South Cotabato Rep. Daisy Fuentes sa proponent ng Tampakan Copper-Gold project na Sagittarius Mines, Inc. (SMI) na magsimula nang magtanim ng mga puno ngayon at maglagay ng mga pasilidad na imbakan ng tubig para matuloy ang kanilang operasyon.
“Nakipag-dialogue ako sa SMI at inobliga ko sila na maglagay ng water impounding units at magsimulang magtanim ng mga puno. Para sa akin ay maaari na silang magsimula sa pagmimina,” wika pa ni Fuentes.
Ang nabagong posisyon ni Fuentes ay resulta ng pakikipag-usap niya sa mga
kinatawan ng Palasyo tungkol sa pagbabawal sa open-pit mining method sa South Cotabato na naipasa noong siya ang punong lalawigan.
Nilinaw ni Fuentes na kung maitatayo ng SMI ang buffer zone ngayon, kapag
nagsimula na ang operasyon ng kompanya ay sapat na ang mga puno para mapigilan ang pagguho ng lupa at pagbaha.
“Sa kaso ng San Miguel Energy Corporation (SMEC), naniniwala ako na pumayag ang mga mamamayan ng Lake Sebu sa community assistance plan na nagkakahalagang P30 milyon”, ani Fuentes.
Gagamit din ang SMEC ng open-pit mining method para sa coal mine ng kompanya sa Lake Sebu, South Cotabato.
Ngunit nilinaw ng mambabatas na kailangang iprisinta ng SMI ang plano nito sa
South Cotabato provincial board para sa pag-endorso nito.
- Latest
- Trending