Manila, Philippines - ‘Hindi magiging pangulo ang mama mo kundi dahil sa mga Obispo!”
Ito naman ang umano’y tila panunumbat ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes kay Pangulong Benigno Aquino III matapos na makaladkad ang ilang Obispo sa usapin ng sasakyan na mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sinabi ni Bastes na makikita at alam ng buong bansa kung sino ang sumuporta kay dating Pangulong Corazon Aquino at mapatanggal sa puwesto si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Dahil sa sulat ng mga Obispo, bumagsak si Marcos at nakapuwesto si Pangulong Cory.
Ayon kay Bastes, dapat na tigilan na ni PNoy ang pagkaladkad sa mga Obispo sa pulitika dahil malalayo lamang siya sa taongbayan.
Aniya, huwag sana pag-initan ang mga obispo na tunay at totoong naglilingkod sa mga mahihirap.
Posible din umanong ginagamit silang panakip butas ng administrasyon upang pagtakpan ang kanilang kapalpakan.