Obispo magsasauli ng sasakyan, para matigil ang pagbatikos
Manila, Philippines - Upang matapos umano ang kadadakdak ng Malakanyang, pinayuhan ni Catholic Bishops Conference of the Philippines -Episcopal Commission on Public Affairs Chairman at Caloocan Bishop Deogracias Iniguez at Sorsogon Bishop Arturo Bastes ang kanilang mga kapwa obispo na ibalik na ang mga sasakyang mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon kay Iniguez, ito’y upang hindi na lumaki ang usapin na pilit na pinalalaki ng mga pulitikong nagnanais lamang na mag- grandstanding.
Giit ni Iniguez, na kapag naibalik na ang naturang mga sasakyan ay tiyak aniyang matatapos na ang isyu.
Aniya, kung hindi isosoli ang sasakyan, hindi matatapos ang isyu at posibleng lumala pa ito na hahantong sa mga haka-haka.
Sinabi naman ni Bastes na dapat lamang na isoli ng mga Obispo ang sasakyan kung ito ang paraan upang tantanan ng pamahalaan ang pamumulitika sa mga obispo.
Kaugnay nito, dismayado din si Bastes sa imbestigasyon kahapon ng senado na aniya’y overkill at pagkaladkad ng mga ito sa pangalan ni Butuan Bishop Juan de Dios Pueblos na pinalalabas na masamang uri ng obispo.
Aniya, huwag naman sanang personalin ni P-Noy ang mga obispo na bumabatikos sa kanyang pamumuno dahil kung mayroon dapat imbestigahan, ito ay ang mga tiwaling pulitiko na nagnanakaw sa kaban ng bayan.
- Latest
- Trending