Gaming firm pumalag kay de Lima
MANILA, Philippines - Pinalagan kahapon ng isang gaming firm ang pahayag ni Justice Secretary Leila de Lima na iligal umano ang operations ng betting stations nito sa labas ng Cagayan Economic Zone na nasasakupan ng northern Luzon.
Sa pahayag ni Raul Banderas, spokesman ng Meridian Vista Gaming Corporation, hindi umano dapat nagpapadalos-dalos si de Lima sa pagbibigay ng pahayag na iligal ang operasyon ng Meridian dahil libo-libong mga kawani nito ang maaapektuhan, habang hindi pa nareresolba ng Supreme Court ang usapin sa kasalukuyan.
Umapela rin ang management ng Meridian kay DILG Secretary Jess Robredo na pag-aralan munang mabuti ang sinasabing legal na opinion ni de Lima bago gumawa ng marahas na hakbang upang hindi maunsiyami ang panghihikayat ng gobyernong Aquino sa mga lokal at dayuhang mangangalakal na maglagak ng negosyo sa bansa.
Ayon kay Banderas, bago pa man nagpalabas ng nakalilitong opinyon si de Lima kahapon ay matagal nang nilinaw ng mga naunang sekretaryo ng Department of Justice na ligal ang operasyon ng Meridian batay sa ipinagkaloob na prangkisa ng Cagayan Economic Zone Authority.
May nauna na rin umanong mga pagtatangka na hamunin ang ligalidad ng operasyon ng nasabing gaming firm pero naresolba na ito sa pamamagitan ng desisyon ng mababang hukuman at maging ng Court of Appeals na walang nilabag na batas ang Meridian, maging ang paglagay nito ng betting stations sa labas ng Cagayan Economic Zone.
Sa joint memorandum na nilagdaan ng DoJ at DILG, inatasan ang mga police officers na tuluyan ng ipasara ang mga off fronton jai-alai betting stations sa ilang lalawigan sa Luzon dahil sa paglabag sa batas.
Paliwanag ni de Lima, ang Meridian ay binigyan ng prangkisa ng CEZA na mag-operate lamang sa sakop ng zone at ang betting station sa labas ng CEZA ay ipinagbabawal. (Butch Quejada/Doris Franche)
- Latest
- Trending