MANILA, Philippines - Anim katao ang nasawi habang 14 pa ang nawawala makaraang lamunin ng lupa sa naganap na landslide nitong Lunes ng umaga sa Valencia City, Bukidnon.
Sa inisyal na ulat, sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos, lima sa mga nasawing biktima ay mga pasahero ng habal-habal.
Patuloy namang hinuhukay ang iba pang katao na nababalutan ng makakapal na putik ang mga katawan at milagro na lang makaligtas nang buhay sa insidente.
Nabatid na ang iba pang mga biktima ay mga naglalakad na residente sa kalsada na naguhuan ng lupa.
Sa pahayag naman ni Valencia City Police Director Supt. Adonis Mutia, ang landslide ay naganap sa Brgy. Lumbayao ng lungsod dakong alas-8:00 ng umaga sanhi ng malalakas na pag-ulan sa lugar dulot ng Inter Tropical Convergence Zone.
Bigla na lamang nakarinig ng malakas na dagundong ang mga taga-roon at kasunod nito ay gumuho ang lupa sa gilid ng daan sa naturang lugar na tumabon sa mga biktima.
Nagpapatuloy naman ang search and retrieval operations sa mga nawawala pang biktima na nilamon ng lupa.