Water lilies pwedeng biogas
MANILA, Philippines - Matapos na magmistulang “salot” dahil sa ekta-ektaryang “water lilies” na dahilan ng pagbabaha sa Mindanao, sinabi ng Department of Science and Techono logy (DOST) na maaaring anihin ito upang maging raw material para sa paglikha ng “biogas”.
Ayon kay DOST-Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research and Development (PCIEERD) executive director Amelia Guevara, pinag-aaralan na nila ngayon ang posibilidad nito upang makatulong sa pagsusuplay ng kuryente sa mga lugar sa Mindanao.
Sa kasalukuyan, marami pa rin ngayong ibang paggagamitan ang water lily kung saan posible itong gawing landfill o panambak, pagkain ng isda, charcoal briquettes, tela, at organic fertilizer.
Maaari rin umanong gayahin ng mga lokal na pamahalaan ng Mindanao ang inumpisahan sa Las Pinas City na gawing bags, tsinelas at handicraft products ang mga water lilies.
Upang mabisa namang maani ang mga water lily, lumikha ang DOST ng “harvester” buhat sa mga lokal na spare parts, na higit umanong mas mabilis kaysa sa ginagamit sa pagkuha ng water lily sa Rio Grande de Mindanao. Nakatakda nilang i-test drive ito sa susunod na buwan sa Ilog Pasig sa Manggahan, Pasig City o sa lalawigan ng Pampanga.
Sinabi ni Guevara na kahit na isa sa dahilan ng pagbabaha dahil sa nababarahan ang natural na daluyan ng tubig, importante pa rin umano ang papel na ginagampanan ng mga water lily dahil nililinis nito ang tubig.
Target ng DOST na hindi tuluyang walisin ang water lilies sa mga ilog sa bansa ngunit kontrolin lamang ang dami nito upang higit na mapakinabangan.
- Latest
- Trending