MANILA, Philippines - Itinutulak ng mga environmentalist ang total phaseout sa mga plastic bag sa bansa na nagdudulot ng masamang epekto sa ating kalikasan at kapaligiran.
Sa pagdiriwang kahapon ng International Plastic Bag-Free Day na inilunsad sa Quezon City memorial circle, nanawagan din ang grupo ng batas na magbibigay karapatan para mabawasan ang naturang basura at magtataguyod sa paggamit ng organic reusable bags.
Ayon kay EcoWaste Coalition president Roy Alvarez, batid nilang ginagawa naman ng mga mambabatas ang kanilang tungkulin na kanilang pinasimulan para maging matibay na batas ang pagbabawal sa paggamit ng plastic sa bansa.
Nagbabala rin ang grupo hinggil sa pagpapakalat ng tinawag na “biodegradable” plastics na lumabas anya sa pagsusuri na kahit nadegrade na ang naturang materyales sa loob ng dalawa o limang taon, ang biodegradability nito ay nanatiling hindi malinaw.
Kaya naman nanatili ang problema sa dalawang klase at ito ay ang pagkakalat at patuloy na produksyon ng plastic waste.
Sa kasalukuyan ay may 10 siyudad at munisipalidad na ang nag-ban sa paggamit ng plastic bags at may 10 pa ang nagpo-propose ng ganitong babala.