MANILA, Philippines - Matapos na manapak ng isang court sheriff, magbabakasyon muna si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Interior and Local Government (DILG).
Ayon sa ulat, si Duterte-Carpio ay nakatakdang mag-leave of absence simula ngayon, July 4 hanggang July 11, 2011. Pansamantalang hahalili sa kanyang puwesto ang kanyang ama na si Vice Mayor Rodrigo Duterte na matagal ding naging alkalde sa lungsod.
Gayunman, habang nagbabakasyon ay ipagpapatuloy ng alkalde ang relief at rehabilitation operations sa mga lugar na sinalanta ng pagbaha sa lungsod.
Sinasabing ang pagsisiyasat ng DILG sa nangyaring pananakit ni Duterte-Carpio kay court sheriff Abe Andres ay sisimulan ngayong Lunes.
Nauna nang sinabi ni Deputy presidential spokesperson Abigail Valte na tuloy ang pagsisiyasat ng DILG kaugnay sa insidente sa kabila ng kawalan ng interes ng biktima na magsampa ng kaso laban dito.
Matatandaang nitong Biyernes ng mangyari ang insidente kung saan binigyan ng matitinding suntok sa mukha at katawan ng alkalde si Andres matapos sumiklab ang kaguluhan sa isinasagawang demolisyon dito.
Sinabi ng alkalde, nakiusap siya sa sheriff na bigyan siya ng dalawang oras na ekstensyon bago ipatupad ang demolition order dahil nasa kalagitnaan siya ng relief operation sa mga sinalanta ng baha pero hindi siya pinakinggan kaya nangyari ang insidente.
Giit ni Duterte nag-init ang kanyang ulo dahil malinaw naman ang kanyang kahilingan para sa ekstensyon hinggil sa demolisyon.
Sa panig naman ni Andres, ginagawa lamang niya ang kanyang trabaho sa pagpapatupad ng demolition order.