Manila, Philippines - “Pinigilan ko lang ang pagdanak ng dugo at posibleng pagbubuwis ng buhay, mas importante ito sa akin kaysa opinyon ng publiko!
Ito ang ikinatwiran kahapon ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na kaniyang ipinoste sa kaniyang Facebook account kaugnay ng ginawa niyang pananapak kay Sheriff Abe Andres noong Biyernes sa gitna ng demolisyon sa mga kabahayang iskwater sa Agdao District.
Aminado ito na nag-init ang kaniyang ulo matapos na magkagulo sa demolisyon sa pagitan ng demolition team at ng mga residente kung saan isang pulis ang tinamaan ng pana sa tiyan.
Natigil lamang ang batuhan ng dumating ang alkalde pero kakaibang eksena ang sumunod ng pagsasapakin nito si Andres matapos na hindi mahintay ang hinihiling nitong 2 oras na ekstensyon bago ituloy ang demolisyon at hayaan munang mag-impake ang mga apektadong residente.
Una nang nanindigan si Mayor Duterte-Carpio na handa siyang harapin kung ano man ang ibubunga ng kaniyang inasal.
“In the coming days when I need to explain, I will explain only to the people of Davao City because I am their mayor,” pahayag ni Duterte sa kaniyang Facebook account.
Ikinatwiran pa ng kampo ni Duterte na kung hindi pumagitna sa kaguluhan ang alkalde ay baka mas marami pa ang nasaktan kaya dapat na maging malawak ang pang-unawa ng publiko.
Bunga ng nangyaring tension, suspendido muna ang demolisyon sa loob ng 10 araw base sa inisyung kautusan ni Judge Emmanuel Carpio ng RTC Branch 16.
Nang matanong naman si Davao City Vice Mayor Rodrigo Duterte, ama ng alkalde, sa opinyon nito sa pananapak ni Sarah sinabi nito na hindi muna siya magkokomento dahil takot din siyang masapak ng anak.
Ang alkalde bilang kilalang tagapagtanggol ng mahihirap ay binansagan ng mga Dabawenyos na ‘sucker puncher of the year’ at “Evelyn assault” bilang kawangis ng popular na pelikulang Salt ng hollywood actress na si Angelina Jolie.