Manila, Philippines - Kinatigan ng Korte Suprema ang naunang desisyon ng Court of Appeals na pagpapataw ng habambuhay na pagkabilanggo sa mga miyembro ng Abu Sayyaf na sina Khadafy Janjalani, Aldam Tilao at 17 iba pa noong Nobyembre 2008.
Ito’y bunsod ng pagdukot sa mga nurse na sina Ediborah Yap, Sheila Tabunag at Reina Malonzo at sa hospital accountant na si Joel Guillo noong Hunyo 1, 2001 sa Jose Maria Torres Memorial Hospital sa Lamitan, Basilan.
Sa 14-pahinang desisyon ni Associate Justice Diosdado Peralta, mas pinaboran ng SC ang positibong pagkilala ng mga testigo sa mga nasabing akusado kaysa sa pagtanggi at alibi ng mga akusado alinsunod na rin sa umiiral na jurisprudence o nauna nang kautusan ng Korte Suprema.
Nakasaad din sa nasabing desisyon na nabigo ang mga akusado na magharap ng sapat na ebidensya na magpapatunay na imposible para sa kanila na maging physically present sa pinangyarihan ng krimen nang iyon ay maganap.
Sa naunang desisyon ng CA, pinatawan nito ng reclusion perpetua o habang buhay na pagkabilanggo ang mga akusado matapos mahatulan ng guilty sa kasong kidnapping at serious illegal detention with ransom.