Manila, Philippines - Tiniyak kahapon ng Malacañang na may ginagawang hakbang ang Department of Foreign Affairs upang tulungan ang hindi pinangalanang Pinay na guro sa China na nahatulan ng kamatayan dahil sa pagdadala umano ng nasa 2,000 gramo ng heroin.
Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, standard operating procedure (SOP) naman ang agad na pakikipag-ugnayan ng DFA sa sinumang nahaharap sa bitay sa ibang bansa.
Awtomatiko rin aniyang iaapela ang kaso na ire-review pa ng Guandong High People’s court.
Ang nasabing Filipina ay sinentensiyahan ng bitay noong nakaraang linggo matapos maaresto dahil sa drug-smuggling noong Oktubre 2010 sa international airport sa Guangzhou.
Matatandaan na noon lamang Marso 30 ay binitay sa China sina Ramon Credo, Sally Ordinario-Villanueva, at Elizabeth Batain dahil din sa kasong drug trafficking.
Samantala, umaasa naman ang Palasyo na magkaroon ng magandang resulta ang gagawing pagbisita sa China sa darating na linggo ni Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario kung saan ang pangunahing agenda ay ang tensyon sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Valte na inaasahan nila na makakatulong ang pagbisita ni del Rosario para magkaroon ng payapang resolusyon ang problema ng Spratlys.
Hindi naman binanggit kung kasama sa agenda ni del Rosario ang kaso ng Pinay na nahatulan ng bitay.