MANILA, Philippines - “Nasaan ang plunder?”
Ito ang katanungang ibinato ni Negros Occidental Rep. Ignacio Arroyo kay dating Solicitor General Frank Chavez kahapon kasabay ng paghahambing ng kasong plunder na isinampa nito laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang gimik politikal.
Pinuna ni Arroyo na isa sa mga pangunahing basehan ng plunder ay dapat sa sariling bulsa ng tumanggap napunta ang pera at ginamit ito sa kaniyang personal na pangangailangan.
Subalit hindi naman anya masabi ni Chavez sa kaniyang reklamo na ang pera, na umano’y mula sa fertilizer fund ng pamahalaan, ay sa bulsa ng dating pangulo napunta. Binigyang-diin ni Arroyo na sinabi mismo ni Chavez sa kaniyang reklamo na ang mga tumanggap ng pera ay mga piling congressman, provincial governor at city at municipal mayor.
“Kaya bakit dapat managot ang dating pangulo sa plunder kung ang mga tumanggap ng pera ay ibang tao at wala ng dumaan kahit isang sentimo sa kanyang mga kamay,” tanong pa ni Arroyo.