MANILA, Philippines - Kinakatigan ng Pilipinas ang nagkakaisang pagsisikap na sawatahin ang malaking pinsalang maaaring idulot ng biological weapons.
Sa pagsasalita ni Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. sa Biological Weapons Convention (BWC) Conference Week for East Asia and the Pacific sa Makati City noong Lunes, kanyang sinabi na nananatiling banta sa daigdig ang paggamit ng mga mapamuksang sandata para lipulin ang tao at nakikiisa ang administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino sa mga inisyatiba ng mga gobyerno sa ibang bansa at pandaigdigang organisasyon na labanan ang pagkalat ng anumang uri ng biological weapon.
“It is no comfort,” ani Ochoa, “that man’s capacity for invention was for good and for bad. And while we have inventions that enhance health, vigor and longevity, there are equal number of inventions that have greater and varied capacities to inflict harm or bring death to humans and all living things.”
“Shall we surrender our optimism to the proliferation of biological pathogens of destruction? We definitely are not giving up. We are fighting for the very survival of humankind itself,” ani Ochoa, ang pinuno ng Cabinet cluster on security, justice and peace.
Ipinaliwanag ng Executive Secretary na sa tulong ng United Nations (UN) at lumalaking bilang ng mga organisasyon at grupo ng mga dalubhasa na mangangasiwa sa pagsubaybay, regulasyon, at kontrol sa biological weapons ay magkakaroon ng malaking pagbabago sa sitwasyon.
Punong-abala ang Pilipinas sa regional workshop ng mga bansang nagmula sa East Asia and the Pacific hanggang Hulyo 1 bilang paghahanda sa Biological Weapons Convention 7th Review Conference and Biosecurity and Biosafety Cooperation na nakatakda bago matapos ang kasalukuyang taon.
Dadalo sa kumperensiya ang mga kinatawan ng Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand, Vietnam, Australia, China, Japan, New Zealand, Republic of Korea, United States, Canada, European Union, Norway, at ang UN, pati na rin ang mga miyembro ng akademya at mga institusyong siyentipiko.
Ayon kay Ochoa, naaangkop ang kumperensiya sa pinamumunuan niyang Anti-Terrorism Council (ATC), dahil nilalayon nito ang pagkakaroon ng kontrol, proteksiyon, at pagsawata sa chemical, biological, radiological and nuclear (CBRN) weapons at iba pang anyo ng armas-pandigma.