Manila, Philippines - Gustong imbestigahan sa Kamara ang isang kumpanya na binabayaran ng Land Transportation Office kahit wala itong kontrata sa kanila.
Sinabi ni Camiguin Rep. Pedro Romualdo ng House Committee on Transportation na maghahain siya ng isang resolusyon para imbestigahan sa Kongreso ang Amalgamated Motors Philippines Inc. (Ampi) na binabayaran umano ng LTO ng malaki kahit wala itong kontrata dito.
Ayon kay Romualdo, kailangan magpaliwanag si LTO Chief Virginia Torres sa Kongreso para bigyan linaw kung bakit nila pinapayagan ang Ampi sa nasabing transaksyon.
Sinabi ni Romualdo na katulad ito ng Stradcom, isang exclusive information technology provider sa LTO na may balidong kontrata hanggang 2013.
Malaki ang utang ng LTO sa Stradcom may P1 billion kahit na sinasabi ng mga kongresista at ibang sektor na bayaran ito ng ahensiya, nagbibingi-bingihan lamang si Torres.