MANILA, Philippines - Kulungan ang binagsakan ng isang lalaki na nagpakilalang civilian agent umano ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) makaraang ireklamo ng panunutok ng baril at hindi pagbabayad ng pasahe sa sinakyang taxi, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Kasong grave threats ang isinampa ng pulisya sa Pasay City Prosecutors Office laban kay Marlon Francisco, 40, ng Manggahan St., Merville, Pasay City makaraang ireklamo ng taxi driver na si Renato Cabreros, 40, ng France Ville Subdivision, Camarin, Caloocan City.
Sa reklamo ni Cabreros sa Pasay Police, sumakay sa kanyang minamanehong Blue-Cab Taxi (UVG-809) ang suspect sa Baclaran, Parañaque City dakong alas-9 ng gabi at nagpahatid sa Merville.
Pagsapit pa lamang sa West Service Road ay nagkaroon na ng hindi pagkakaunawaan ang dalawa kaya’t pinababayaran na lamang ni Cabreros ang pasahe batay sa itinakbo ng metro at pinabababa na niya ng taxi ang suspek.
Sa halip na bumaba, nagbunot umano ng kanyang kalibre .45 baril si Francisco kaya’t sa takot na baka siya barilin ay nagtatakbong palabas si Cabreros at kaagad na humingi ng saklolo sa mga nagrorondang barangay tanod. Ang mga tanod naman ang tumawag ng mga pulis na nagresulta sa pagkakadakip sa umano’y lasing na ISAFP agent.
Itinanggi naman ni Francisco ang akusasyon laban sa kanya ng taxi driver kabilang ang panunutok ng baril. Sinabi nito na hindi umano makatwiran na basta na lamang siya ibaba ni Cabreros at pabayaran ang metro.