MANILA, Philippines - Sinimulan na ng Kamara ang paghahanda sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa Hulyo 25 ng taong kasalukuyan.
Bagama’t isang buwan pa bago ang ikalawang SONA ng Pangulo, kasabay ng pagbubukas ng second regular session ng 15th Congress, sinimulan na kahapon ang maagang preparasyon ng technical working group ng Kamara.
Sa nasabing pagpupulong, binigyan ang mga mamamahayag ng kani-kaniyang lugar na pananatilihan sa panahon ng naturang programa.
Layunin umano nito na hindi na maulit ang ilang aberya noong unang SONA ni Pangulong Aquino, kung saan mula sa parking area, gallery at lobby ay hindi nasunod ang ilang plano dahil sa dami ng taong dumalo at nakipagsiksikan sa mga lugar na itinuturing na restricted areas.
Nabatid na mula sa dapat na 2,000 lamang na bilang ng bisita ay umabot ito ng mahigit doble, kung saan ang ilan ay binigyan na lamang ng mga karagdagang upuan para ma-accommodate sa venue.