Personal na binisita kahapon ni Pangulong Aquino ang mga lugar sa Metro Manila na nakaranas ng matinding pagbaha kung saan inuna niya ang Marikina.
Maraming residente sa nabanggit na bayan ang inilikas sa evacuation centers dahil sa matinding baha na dala ng bagyong Falcon.
Mula sa Caticlan, Aklan kung saan pinangunahan ng Pangulo ang inagurasyon sa iniayos na Caticlan Airport, agad na dumiretso si PNoy sa Brgy. Nangka, Marikina City paglapag sa Villamor Airbase, Pasay City.
Ang Pangulo ay sinalubong ni NDRRMC director Benito Ramos na nagbigay ng briefing kaugnay sa lawak ng pinsala ni Falcon.
Tinungo ng Pangulo ang Nangka Elementary School kung saan tinatayang nasa 4,000 ang dinalang evacuees.
Sinabi ng Pangulo sa mga naratnang residente na iparating sa kinauukulan kung may iba pang problema silang mararanasan at umapela rin ito na sana’y makipagtulungan sa gobyerno ang mga naapektuhan.
Inaasahang tutuloy din ang Pangulo sa Malabon kung saan marami rin ang inilikas sa mga evacuation centers dahil sa baha. (Malou Escudero)