Panahon gaganda na
MANILA, Philippines - Unti-unti ng gaganda ang kundisyon ng panahon sa bansa dahil sa paglabas ng bagyong Falcon.
Gayunman, sinabi ni Leny Ruiz, forecaster ng PAGASA, sa Metro Manila ay maulap ang kalangitan ngayong Linggo na may pakonti konting pag-ulan at hindi agad maaasahan na lilitaw ang haring araw.
Bukod sa Kalakhang Maynila, maulan din anya sa iba pang bahagi ng bansa partikular sa Northern at Central Luzon na maaaring maging ugat ng pagbaha doon dahil kahit na wala na sa bansa si Falcon ay magpapa-ulan naman sa mga lugar na ito ang habagat.
Pinayuhan din ni Ruiz ang mga residente ng lalawigan ng Bataan, Pampanga, Bulacan, Zambales, Tarlac, Pangasinan, La Union, Benguet, Mt. Province, Ilocos Sur, Abra, at Ilocos Norte dahil sa banta ng flashfloods at landslides dulot ng mga pag-uulan doon. Hindi rin maaaring maglayag sa karagatan ang mga mangingisda.
Sa Lunes, inaasahang bubuti na ang panahon.
- Latest
- Trending