MANILA, Philippines - Umaasa ang ilang mambabatas na tutugon si US President Barack Obama at ang buong administrasyon nito na ibalik sa Pilipinas ang “Bells of Balangiga” na kinuha ng sundalong Amerikano sa lalawigan ng Samar noong Philippine-American War.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Teddy Casiño, suportado ng Roman Catholic Diocese of Cheyenne sa Wyoming, USA at ng National Bishops Conference of America ang pagbabalik sa bansa ng nasabing kampana at iba pang artifacts.
Gayundin, may kanya-kanyang resolusyon ang US state legislatures at ang US House Resolution 16 ng US Congress na inilabas noong Enero 27, 2003 sa state of Maryland na sumusuporta sa pagbabalik ng “Bells of Balangiga” at iba pang artifacts.
Habang sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay ipinasa ang House Resolution no. 112 noong Mayo 11, 2011 na tumutukoy sa pagkakamali ng US sa pag-iingat ng nasabing kampana na kinuha ng mga sundalong Kano, 109 taon na ang nakakalipas.
Kabilang sa inaasa hang ibabalik sa bansa ang dalawang church bells na may Franciscan Order emblems at petsang 1863 at 1889, gayundin ang isang English-made Falcon cannon na may petsang 1557 na pawang naka-display sa Trophy Park ng F.E. Warren Air Force Base sa Cheyenne, Wyoming.
At ang isa pang maliit na kampana na may Franciscan Order emblem na may petsang 1896 na kasalukuyang nasa pag-iingat ng 9th US Infantry Regiment sa Camp Red Cloud, Korea.