MANILA, Philippines - Hinding-hindi umano uurungan ng House Minority Bloc ang face to face nito sa mga tinaguriang KKK o Kaibigan, Kaklase at Kabarilan ni Pangulong Noynoy Aquino.
Sinabi ni House Deputy Minority leader Milagros Magsaysay, maraming dapat sagutin si LTO chief Virginia Torres kabilang na dito ang pagkakakaladkad sa kanya sa naging sigalot noon sa LTO at Stradcom kung saan naparalisado ng halos anim na oras ang operasyon ng ahensiya.
Ang reaksyon ni Magsaysay ay kaugnay sa pahayag ni LTO chief Virginia Torres na hindi niya aatrasan ang nakaambang congressional hearing ng Mababang Kapulungan laban sa mga miyembro ng gabinete na nasasangkot sa iba’t ibang isyu ng katiwalian at kontrobersiya.
Bukod dito nais din umano maliwanagan ng oposisyon kung bakit hindi ito magawang masipa sa pwesto ni Pangulong Aquino.
Ang ibang katanungan naman ay “surprise” daw muna subalit siniguro ni Magsaysay na gigisahin nila ng husto ang kontrobersyal na LTO Chief.
Hamon naman ni Magsaysay sa iba pang KKK, gayahin si Torres na nagpasabi ng kahandaang humarap sa imbestigasyon upang linawin at sagutin ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanila.
Nauna nang naghain ng pormal na resolusyon ng House Minority na naglalayong siyasatin sina Torres, DILG Undersecretary Rico Puno, dating BUCOR director Ernesto Diokno, at iba pang tinatawag na KKK ni PNoy. (Butch Quejada/Gemma Garcia)