MANILA, Philippines - Mangunguna ang pro-life advocates ngayon sa pagsusulong ng paggamit ng baril sa responsableng pamamaraan sa serye ng mga seminar mula Hulyo 12-18 sa SM Megamall, Mandaluyong City.
Pangungunahan ni Mike Melchor ng A2S5 Coalition ang pagbibigay ng seminar sa responsableng pagmamay-ari ng baril kasabay ng unang yugto ng 2011 Defense Sporting and Arms Show (DSAS) na gaganapin mula Hulyo 14-18 sa SM Megatrade Hall 2 at 3.
Ang A2S5 Coalition ay nabuo noong taong 2010 na ibinase sa Article 2 Section 5 ng Konstitusyon na layong mapanatili ang kapayapaan at maproteksyunan ang buhay.
Isinusulong nito ang pagproteksyon sa sarili sa pamamagitan ng responsableng pagiging may-ari ng baril laban sa kriminalidad.
Magbibigay naman si Eustacio “Jun” Sinco ng Philippine Practical Shooters Association-National Range Officers Institute ng lecture sa gun safety habang ang security specialist na si Lito Barrameda ay magbibigay ng seminar sa kahalagahan ng paggamit ng K-9 dogs sa epektibong seguridad sa mga establisimiyento.
Nasa ika-19 taon ngayon, ang DSAS – na inorganisa ng Association of Firearms and Ammunition Dealers (AFAD) sa pamumuno ni Neri Dionisio – ay naghanda rin ng iba pang seminar na nagtataguyod sa sport shooting, self defense, firearm maintenance, at maging sa disaster at emergency response sa temang: “Right to Life, Right to Live.”
Pararangalan rin sa DSAS event ang mga top gun ng Pilipinas na pinangungunahan ni world shooting champ Jethro Dionisio na sasabak sa prestihiyosong World Shoot XVI sa Rhodes, Greece sa darating na Setyembre.