MANILA, Philippines - Bubuhayin ng Federation of Philippine Industries (FPI) at Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry (FFCCI) ang ‘buy Filipino, buy local’ movement.
Sinabi ni FPI chairman Jesus Aranza, hihilingin din nila kay Pangulong Benigno Aquino III na suportahan nito ang re-launching ng ‘buy Filipino, buy local’ movement.
Ayon kay Aranza, unang inilunsad ang ‘buy Filipino first movement’ sa panahon ni yumaong Pangulong Cory Aquino kaya inaasahan nilang todo-suporta din si Pangulong Aquino.
Idinagdag pa ng FPI chairman, nagpapasalamat din sila sa Pangulo sa paglagda sa Executive Order 45 na nag-uutos na buwagin ang kartel at monopolyo sa pagnenegosyo.
Wika pa ni Aranza, ito ay hakbang upang protektahan ang mga negosyante at para masiguro ang fair playing field.
Hiniling din ng grupo sa Pangulo na palakasin ang kampanya ng gobyerno laban sa smuggling na lubhang nakakaapekto sa pagnenegosyo sa bansa.