Ex-envoy kakasuhan ng graft dahil sa pamemeke ng resibo
MANILA, Philippines - Inirekomenda ni Acting Ombudsman Orlando Casimiro na kasuhan ng kriminal si dating Ambassador to Nigeria Masaranga Umpa dahil sa maling paggamit ng Assistance to National (ATN) Standby Funds na may kabuuang halagang US$95,856 para sa repatriation ng mga dinukot na Overseas Filipino Workers (OFWs) noong 2007.
Sa 24-pahinang resolusyon na ipinalabas ni Casimiro, nakakita ang kanyang tanggapan ng probable para kasuhan si Umpa sa Sandiganbayan ng apat na bilang ng malversation of public funds o Article 217, Revised Penal Code.
Sa record, si Umpa ay naitalagang Philippine Extraordinary and Plenipotentiary sa Federal Republic of Nigeria noong panahon ni dating Pangulong Erap Estrada at nagpatuloy sa puwesto sa ilalim ng administrasyong Arroyo.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), may halagang US$174,000 ang naipadala nila noong Pebrero 7, 2007 para sa ligtas na pagpapauwi sa bansa ng may 24 na Pinoy seamen at crewmembers ng Baco Liner II at isang OFW. Lumalabas na ang halagang US$95,856.08 ay naibayad sa ibang transaksiyon batay sa nakalap nilang dokumento.
Nakakuha din umano sila ng transaksyon na naibayad ang pera sa Wellington Hotel Limited sa Warri Delta State, Nigeria para sa 6 na hotel rooms at pagkain ng 11 police escorts pero lumalabas na fabricated lamang umano ang dokumento para dito.
Ang Pinoy seamen ay nai-turn over ng Nigerian authorities kay Umpa at kay DFA Secretary Esteban Cornejos, Jr hapon ng Pebrero 13, 2007 pero ang hotel bills na nakalagay ang almusal at tanghalian na may halagang US$1,565 ay hindi nakain ng mga seamen dahil nai-turn over na agad ang mga ito ng hapon ng naturang araw.
Niliwanag din ng Nigerian hotel accountant Adeleke Osinuga na ang dokumentong sinasabi ay hindi galing sa kanila at peke ito.
Sa ibang hotel din umano namalagi ang mga police escorts at hindi sa hotel na batay sa report ni Umpa.
- Latest
- Trending