MANILA, Philippines - Kikilos si Philippine ambassador to China Domingo Lee upang payapain ang umiinit na tension sa pagitan ng Pilipinas at People’s Republic of China dulot ng sigalot sa Spratly Group of Islands.
Ito ang paniniwala ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), ang pinakama laking samahan ng mga negosyante sa bansa, na lalo pang titibay ang relasyon ng Pilipinas at China sa pagkatalaga ni Pangulong Aquino sa negosyanteng si Lee bilang ambassador sa People’s Republic of China.
Ayon kay PCCI president Francis Chua, ang mga katulad ni Lee ang kailangan ng bansa upang “hilutin” ang umiinit na relasyon ng Pilipinas at China bunga ng ‘territorial dispute’ sa Spratlys.
Inaasahan din nilang lalago pa ang relasyong kalakalan ng dalawang bansa kasama na ang industriya ng turismo sa sandaling magampanan ni Lee ang kanyang misyon bilang “alter ego” ni Pang. Aquino sa mainland China.
Dagdag ni Chua, mataas ang respeto kay Lee hindi lang ng Fil-Chinese community bagkus kahit sa hanay ng mga Tsino sa mainland China na magagamit umano ni Lee upang palakasin at patatagin pa ang relasyon ng dalawang bansa.
Ayon pa sa ibang tagamasid, epektibong magagampanan ni Lee ang kanyang misyon dahil sa personal siyang kakilala ni Pang. Noynoy at matalik na kaibigan ng kanyang namayapang ama na si ex-Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr.