Civil society isama sa CA
MANILA, Philippines - Naniniwala si dating Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na dapat na kabilang ang civil society groups sa makapangyarihang Commission on Appointments upang iwas pulitika.
Ayon kay Cruz, dapat na magkaroon ng representation ang civil society sa CA upang maiwasan ang kaibigan, kadikit at palakasan system sa pagko-confirm ng mga itatalagang kalihim sa pamahalaan.
Sinabi ng arsobispo na mas makabubuting ang taong bayan mismo ang maghuhusga kung dapat bang mamuno sa pamahalaan ang mga opisyal ng gabinete na itatalaga ng isang pangulo ng bansa.
Maging si Prelatura ng Isabela de Basilan Bishop Martin Jumoad ay suportado rin ang naturang hakbang.
Ayon kay Jumoad, magandang pagkakataon ito upang mabigyan ang taong bayan ng kapangyarihan na mag-confirm sa pagtatalaga ng gabinete na bubuo sa pamamalakad ng bansa subalit dapat ay limitahan lamang ito sa iilang civil society group.
Giit ng Obispo, mabisa rin itong paraan upang masawata ang kurapsyon at pamumulitika sa bansa.
Aminado ang Obispo na ang CA ay naging sandata din ng mga miyembrong pulitiko na gumanti sa mga appointee na hindi nila gusto o may hindi sila napagkakasunduan.
- Latest
- Trending