Phl troops handang maka-war games ang China

MANILA, Philippines - Handa ang Armed Forces of the Philippines na makaharap ng kanilang tropa sa isang joint military exercises o “war games” ang mga sundalo ng China.

Reaksyon ito ni AFP Spokesman Commodore Miguel Jose Rodriguez kaugnay ng isinasagawang naval drills ng Chinese forces sa South China Sea sa gitna ng tensiyon sa pinag-aagawang Spratly Islands.

“It’s normal for navies to conduct drills. No cause for worry. We hope someday we can exercise with the Chinese Navy,” ani Rodriguez sa text message.

Ang China ay nagdaos ng naval drills sa Spratly Islands bilang pantapat sa isinagawang live fire drill ng Vietnam sa inaangkin nitong teritoryo sa nasabing lugar.

Una rito, nagpadala ng maritime patrol vessel ang China sa Spratlys kaugnay ng patuloy na tensiyon sa lugar habang ang Pilipinas ay idineploy na rin sa lugar ang warship nitong Rajah Humabon ng Philippine Navy.

Ayon sa China news, may 14 warships, anti-submarine at beach landing troops ng Chinese Navy ang nagsagawa ng drill sa isla ng Hainan upang paghandaan ang kanilang depensa sa mga magtatangkang pumasok sa kanilang inaangking teritoryo.

Bukod dito, pagdating ng 2020 ay palalakasin pa umano ang puwersa ng China at magdaragdag sila ng military personnel sa nasabing rehiyon. May 15,000 personnel mula sa dating 9,000 na nasa ilalim ng China Maritime Surveillance ang ipakakalat sa karagatan upang protektahan ang kanilang inaangking teritoryo sa South China Sea.

Mula sa 16 warplanes at 350 vessels sa kanilang patrol fleets ay magiging 520 ships na ang idedeploy ng China sa panahon umano ng 12th Five-year Plan ng taong 2011 hanggang 2015.

Sa kasalukuyan, may 9 Chinese aircraft, mahigit 260 surveillance vessels at 280 law enforcement vehicles ang pinakikilos o nag-ooperate sa mga karagatan ng China.

Samantala, inihayag ni Philippine Navy Spokesman Lt. Col. Omar Tonsay na aarangkada na ang SEACAT (Southeast Asia Cooperation and Training) 2011 exercises na itinakda sa Hunyo 17 at magtatapos sa Hunyo 23 na isasagawa sa Malacca Strait, Sulu Sea at West Philippine Sea malapit sa Spratly Islands.

Kabilang sa mga magpapartisipa ang Philippine Navy, Brunei, Indonesia, Malaysia, Thailand, Singapore at Estados Unidos.

Show comments