MANILA, Philippines - Ikinasa ni Acting Ombudsman Orlando Casimiro na kasuhan na sa Sandiganbayan ng 12 counts ng graft at malversation si North Cotabato Rep. Jesus Sacdalan dahil sa umano’y paglustay sa P18.6 milyon pondo ng pamahalaan noong 2008.
Ang kaso ay nag-ugat ng gobernador pa si Sacdalan ng Cotabato nang aprubahan nito ang pagpapalabas ng calamity fund at ibili ng gasoline sa Midsayap at Kidapawan City.
Ginamit din umano ang bahagi ng naturang pondo sa rehabilitasyon ng San Vicente-Bulcanon road sa Bayan ng Makilala at sa Nicaan-Banisilan road sa Bayan ng Alamada.
Ayon sa complainant na si dating district engineer Milagros Cais, ang halagang ipinalabas ni Sacdalan ay sobra sobra para matapos ang naturang proyekto.
Paulit-ulit anya siyang inutusan ni Sacdalan na rebisahin ang road projects para itago ang iregularidad sa fuel purchase.
Inutos din umano ni Sacdalan ang pagbabayad ng gasoline na hindi pa natatanggap ng kanilang provincial govt.
Ayon sa Ombudsman, may probable cause para kasuhan si Sacdalan dahil ang calamity fund ay para lamang sa panahon ng kalamidad gagamitin at hindi sa ibang proyekto ng lalawigan nito.