8 suspek sa pagpatay timbog ng Valenzuela City Police
MANILA, Philippines - Nadakip sa isang malawakang manhunt operation ng Valenzuela City Police sa katimugang Leyte at Davao City ang pito sa siyam na mga suspek sa pagpatay sa isang Chinese national na kinilalang si Wang Wen Xing a.k.a. “Jeffrey Ong.”
Ang mga naaresto ay kasalukuyang nakapiit ngayon sa Valenzuela City Police Station (VCPS) bunsod ng pagnguso sa kanila ng kanilang kasamahang si Isagani Sobretodo na naunang naaresto nitong Hunyo 12.
Si Jeffrey Ong, 31, na tubong Fuijian province sa China ay stay-in manager ng Cosang Plastic Manufacturing na matatagpuan sa 9 Sigma St., Don Pablo Subd., Barangay Rincon, Valenzuela City.
Sa inisyal na imbestigasyon, isang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng biktima at mga suspek ay nagsimula noong Hunyo 1, matapos ianunsyo ng una na ititigil na ang operasyon ng Cosang Plastic Manufacturing. Nakiusap ang mga trabahador sa may-ari para sa fare assistance na malaon ay tinanggihan.
Noong Hunyo 7, ang mga stay-in workers na kinabibilangan ng mga suspek ay binilinang bakantehin na ang kanilang mga barracks. Bandang alas-4:30 ng hapon noong Hunyo 11 ay nakitang bangkay si Ong. Ang mga suspek na pawang mga stay-in sa kompanya ay hindi matagpuan at di umano’y wala na ang kanilang mga gamit.
Sa follow-up at pursuit operations ay nasakote si Sobretodo sa Caloocan City noong Hunyo 12. Ina min nitong isang linggo bago madiskubre ang bangkay, pinagplanuhan nilang nakawan at patayin ang biktima ngunit itinangging isa siya sa mismong pumatay rito.
Dito na nagawang ma tunton ng mga imbestigador si Joselito Andres, kapatid ng suspek na si Michael Andres Piedad, na umaming nagtungo ang kanyang kapatid sa Davao City.
Pinangunahan ni Police Chief Insp. Danilo S. Bugay ang Davao team samantalang si Police Insp. Roden Tejuco naman ang nanguna sa grupong pa-Southern Leyte. Noong Hunyo 13, nakatanggap ng impormasyon na ang suspek na si Michael Andres ay sumuko kay Vice Mayor Rodrigo Duterte ng Davao City.
Ang grupo naman ni P/Insp. Roden Tejuco, matapos ang koordinasyon sa Provincial Police Office ng Leyte ay naaresto sina Edgardo Sabandal Camanso, Jr., Joel Epis Sabandal, Jerry Sabandal Pacaldo, Jr., Nelson C. Sabandal, Ryan B. Fernandez at Wilson P. Dait.
Isang manhunt naman ang tumutugis sa isa pang suspek na si Reagan Arboneda.
Pinuri naman ni Mayor Sherwin T. Gatchalian ang VCPS sa isa na namang tagumpay laban sa krimen at pagkakahuli ng mga salarin.
- Latest
- Trending