MANILA, Philippines - Hindi umano dapat maging balat sibuyas ang Malacañang kaugnay sa balak ng oposisyon sa House of Representatives na paimbestigahan ang kabiguan umano ni Pangulong Aquino na disiplinahin ang kaniyang mga Kaibigan, Kaklase, at Kabarilan o KKK na naglilingkod ngayon sa administrasyon.
Ito ang sinabi kahapon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano kaugnay sa binabalak na imbestigasyon ng House of Representatives.
Ipinunto ni Cayetano ang tinatawag na inter-chamber courtesy kung saan hindi dapat pakialaman ng isang sangay ng gobyerno ang lehitimong isyu na gustong imbestigahan ng mga mambabatas sa Kamara.
Pero ipinunto rin ni Cayetano na kung kuwalipikado naman ang mga itinalagang KKK ng Pangulo ay walang masama kung kinuha niya ang mga ito sa kaniyang administrasyon.
Subalit maaari rin umanong dagdagan pa ng isang “K” ang nasabing KKK na sisimbolo naman sa Kaaway dahil marami namang mga naging kalaban si Pangulong Aquino noong presidential elections na puwede ring bigyan ng posisyon sa gobyerno.
Inihalimbawa ni Cayetano sina dating Senator Richard Gordon at maging si dating Defense Secretary Gilbert Teodoro na tiyak umanong malaki ang maiiambag kung bibigyan ng pagkakataon na maglingkod sa pamahalaan.