Torres kinasuhan ulit
MANILA, Philippines - Muling sinampahan ng pangalawang kaso ng graft and corruption si LTO Chief Virginia Torres hinggil sa umano’y pagiging kasabwat nito sa illegal takeover sa IT provider ng LTO, ang Stradcom Corp. noong December 9, 2010.
Sa ikalawang kaso na naisampa ng Stradcom kay Torres sa Ombudsman kahapon, hiniling ng naturang kumpanya na ituloy ang rekomendasyon ng DOJ hinggil dito at pormal na imbestigahan ang mga umano’y anomalyang ginagawa ni Torres sa LTO dahil nakakaapekto na ang mga aksyon nito hindi lang sa Stradcom kundi sa publiko.
Magugunitang sinugod at puwersahang pinasok ng mahigit na 30 guwardiya ng Sumbilla group ng naturang araw ang Stradcom at sinubukang patayin ng grupo nito ang LTO IT facility na nagpapaandar sa computerized operations ng LTO sa buong bansa.
Huling-huli sa camera na isa sa mga naglalakad katabi ni Sumbilla ay mismong si LTO Chief Virginia Torres kasama ang kaniyang assistant na si Menelia Mortel.
Sa isang imbestigasyon ng Department of Justice, hindi pala ito ang unang beses na nagtangkang pasukin at angkinin ng grupo nina Sumbilla at Yujuico ang Stradcom.
Ang unang attempted takeover ay naganap noong December 2. Nang maudlot ang takeover operation, dumiretso ang dalawa sa opisina ni Torres.
Ayon sa DOJ Report, kasabwat si Torres sa operasyon ni Sumbilla at Yujuico nung December 9 dahil sadyang hindi nito pinigilan ang takeover. Kinausap ni Torres ang mga guwardiya ng LTO nung gabi bago mag-takeover na huwag makialam sa gulo.
- Latest
- Trending