MANILA, Philippines - Idineploy na rin ng Philippine Navy ang pinakamalaki nitong barkong pandigmang BRP Rajah Humabon sa gitna na rin ng tumitinding tensiyon sa pinag-aagawang Spratly Islands sa West Philippine Sea (South China Sea).
Una rito, nagdeploy ng barkong Haixun 31, maritime patrol ng China sa inaangkin nitong teritoryo sa Spratlys.
Nilinaw naman ni Defense spokesman Eduardo Batac na walang kinalaman ang deployment ng Rajah Humabon sa pagpapadala ng Haixun 31 ng China sa Spratlys dahil bahagi lamang ito ng pinaigting na pagpapatrulya sa lugar.
Samantala patuloy ring kinukumpirma ng security forces ng bansa na nagbabantay sa Spratlys kung pumasok na sa teritoryo ng Pilipinas ang maritime vessel ng China.
Nabatid na aabutin ng apat hanggang limang araw bago makarating ng Spratly Islands ang nasabing barko.
Idinagdag pa nito na kailangang palakasin ang pagpapatrulya sa lugar upang mapigilan sakaling tangkain na naman ng China na maglagay ng marker sa pinagtatalunang mga isla tulad ng mga tinanggal ng Philippine Navy noong Mayo 24 at Hunyo 5.
Sa rekord, ang Rajah Humabon (PF-11) ang pinakamalaking warship ng Philippine Navy na dating USS Atherton noong 1955 at naging JDS Hatushi (Japan) na na-decommissioned noong 1970 at napunta sa Pilipinas noong 1977, muling na-decommissioned noong 1993 at nagbalik sa serbisyo noong 1996.
Ito rin ang huling World War II era Destroyer Escort /Frigage na aktibo sa fleet ng Philippine Navy at isa sa mga pinakamatandang barkong pandigma sa buong mundo.