Estudyanteng sumasali sa gang dumarami - DepEd
MANILA, Philippines - Apat sa 10 estudyante sa mga pampublikong paaralan sa bansa ang sumasali umano sa ibat-ibang gang.
Ayon kay Undersecretary Alberto Muyot ng Department of Education (DepEd), nakakabahala na ang impormasyon na ito na nakarating sa kanilang kaalaman kaya pinayuhan nito ang mga magulang na bantayan at gabayang mabuti ang kanilang mga anak upang mailayo at maiiwas ang mga ito sa ibat-ibang gulo mula sa loob at labas ng mga paaralan.
Ayon kay Muyot, ang mga batang sumasali sa gang ay madalas na natututo ng masasamang bisyo at nawawalan pa ng galang at respeto sa kanilang mga magulang, gayundin sa mga awtoridad.
Hinimok rin ni Muyot ang mga magulang na dagdagan ang oras para sa mga anak.
Paliwanag ng DepEd official, kalimitan kasi sa mga batang sumasali sa gang ay ang mga batang naghahanap ng kalinga ng mga kaibigan dahil kulang ng panahon sa kanila ang kanilang ama’t ina.
Una nang napaulat na masusing binabantayan ng mga pulis ang mga school gangs dahil sa posibilidad na sangkot ang mga ito sa illegal na aktibidad tulad ng pagtutulak ng droga.
- Latest
- Trending