Protesta vs China isasampa sa UN

MANILA, Philippines - Idudulog na ng Pilipinas sa United Nations (UN) ang protesta nito laban sa China dahil sa panghihimasok at pangha-harass sa Spratly Group of Islands sa West Philippine Sea.

Inihahanda na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang apela at report na nakatakdang isumite sa UN hinggil sa pagdagsa ng puwersa ng China sa teritor­yo ng Pilipinas sa Spratlys.

Isang hiwalay na report ang inihahanda rin ng DFA para sa nasabi ring usapin sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kung saan maraming kaalyado ang Pilipinas.

Ang pagdulog ng Pilipinas sa UN ay bunsod na rin sa nagaganap na tensyon sa Spratlys dahil sa patuloy na pagpapadala ng China ng kanilang warships sa isla sa kabila ng sunud-sunod na protesta ng pamahalaan.

Pinayuhan din kahapon ni United States Ambassador to Manila Harry Tho­mas ang pamahalaan na iakyat na sa ASEAN forum na isasagawa sa susunod na linggo ang usapin.

Gayunman, dapat umanong maimbitahan ang mga opisyales ng China habang tinatalakay ang territorial dispute sa West Philippine Sea o South China Sea upang maging patas at maiwasan ang conflict o di pagkakaunawaan. 

Ayon naman kay Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na dumalo sa Philippine-Australian Ministerial Meetings sa Canberra, Australia, na ang kasalukuyang sitwasyon sa West Philippine Sea ay “shaky” o  nakapanginginig dahil nagpadala pa ng panibagong warship o patrol boats ang China kahapon sa pinag-aagawang Spratly islands.

“It’s a bit shaky there now,” ani del Rosario sa isang pulong balitaan kasama si Australian Foreign Minister Kevin Rudd sa Canberra.

Naniniwala naman si Rudd na nagkakaroon ng tensyon sa South China Sea dahil sa “lack of mechanism” na ipinatutupad upang mapigilan ang ba­ngayan sa Spratlys.

“What we are doing currently with our friends in the Philippines and in Jakarta and Hanoi is how we shape an agenda that works for the common security interests of all,”  ayon kay Rudd na sumusuporta sa Pilipinas.

Hinggil sa pagtanggal ng Phl Navy sa markers ng China sa Reed Bank o Recto Bank, may 85 nautical miles sa Palawan, sinabi ni del Rosario na karapatan ng Pilipinas na alisin ang mga marker na inilagay sa loob ng teritoryo ng bansa.

Samantala, bukod sa Vietnam desidido na rin ang Taiwan na magpadala rin ng patrol boats sa South China sea upang protektahan din ang kanilang inaangking mga isla.

Show comments