Mag-amang Ampatuan may malala raw sakit
MANILA, Philippines - May malala umanong karamdaman sina Andal Ampatuan Sr. at anak nitong si Rizaldy na nangangailangan ng agarang lunas.
Sa liham ni Metro Manila District Jail (MMDJ) officer-in-charge Sr. Insp. Bernardino Edgar Camus kay Judge Jocelyn Reyes-Solis ng Quezon City Regional Trial Court branch 221, kailangang mailabas sa kulungan ang mag-ama dahil may matinding diabetes umano si Rizaldy habang si Andal Sr. ay may sakit na “diabetes, hypertension, asthma, osteoarthritis, external hemorrhoids, at chronic obstructive pulmonary disease”.
Malimit umanong nagrereklamo ng hirap sa paghinga ang matandang Ampatuan. Kung hindi maipapadala sa pagamutan, sinabi ni Camus na maaaring magsagawa ng medical check-up si Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)-NCR attending physician Chief Insp. Agnes Aglipay sa dalawang akusado.
Ito ang unang aksyon sa korte ni Camus makaraang palitan si Chief Insp. Glennford Valdepenas na sinibak sa puwesto noong Mayo 27 dahil sa akusasyon ng pagbibigay ng espesyal na mga pribilehiyo sa mga inmates partikular na umano sa pamilya Ampatuan.
Sinabi ng mga abogado ni Andal Sr. na naghahanda na sila para magsumite ng petisyon para makapagpiyansa sa mga susunod na linggo.
- Latest
- Trending