MANILA, Philippines - Ibinulgar kahapon ng PNP-Highway Patrol Group na dalawa pang luxury car na kinarnap sa bansang Turkey ang ipinuslit sa Pilipinas.
Ayon kay Supt. Edwin Butacan, spokesman ng PNP-HPG, ang Volvo car at van na kahalintulad ng kaso ng kulay abong 2005 BMW XS model na pag-aari ni Wilson Espares na naberipikang kinarnap ng sindikato sa Turkey ay iniulat sa kanilang tanggapan kamakalawa.
Sinabi ni Butacan, ang 2005 BMW XS ay ibiniyahe sa Maynila nitong Nobyembre 2010 na hindi umano smuggled at lehitimong imported na luxury vehicle pero nadiskubreng kinarnap sa Turkey ng magsumite ng aplikasyon si Espares para sa clearance ng nasabing behikulo sa HPG Motor Vehicle Clearance Division nitong Mayo 30, 2011.
Bunga nito, agad na ipinag-utos ni PNP-HPG Director P/Chief Supt. Leonardo Espina
Nang iberipika ang status ng dokumento ng behikulo sa Interpol Criminal Data Access Management System bago ito bigyan ng clearance napatunayang kinarnap ito sa Turkey at napaulat na nawawala noon pang Oktubre 28, 2006.
Lumilitaw na ang nasabing behikulo ay minaneho mula Turkey patungong Saudi Arabia at patungong Tartous, Syria kung saan ito ibiniyahe sa Manila na dumating sa Manila International Container Port (MICP ) noong Nobyembre 2010.
Nagbayad ng P799,968 sa taxes at penalty si Espares pero nag-isyu ng warrant of seizue and detention ang MICP upang alamin muna ang legalidad ng pagbiyahe sa behikulo.
Ang nasabing sasakyan ay nasa kustodya na ng Bureau of Customs habang patuloy ang koordinasyon ng PNP-HPG sa Turkish Embassy.