CEBU, Philippines - Pinangangambahan ng may 1.2 milyong overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi ang malawakang pagsibak sa kanila sa trabaho matapos na simulan na ng Saudi government ang pagpapatupad ng Saudization o Nitaqat program sa private companies na may mga foreign at local workers sa Saudi Arabia.
Ayon sa Migrante-Middle East, sinimulan na kahapon ang Nitiqat system na nagka-kategorya sa mga pribadong kumpanya (local o foreign) sa Saudi sa pamamagitan ng color coding.
Ayon kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante-ME, ang mga kumpanya sa Saudi ay may klasipikasyon sa tatlong categories na kulay, green, yellow at red.
Sa mga kumpanya na nasa “green” category ay may minimum 10% na kabuuang bilang ng kanilang staff o empleyado ay mga Saudis; ang “yellow” category ay may Saudi employees na mas mababa sa 10% habang ang “red” ay mga kumpanyang walang Saudi nationals na manggagawa.
Ang nasabing hakbang na pagbibigay kategorya sa mga kumpanya sa Saudi ay bilang pagtalima sa pinaiiral ngayon na Saudization scheme na nag-aatas sa mga kumpanya na i-hire at unahing bigyan ng trabaho ang mga Saudi national kaysa ibang dayuhan.
Ayon sa Saudi Labor Ministry, ang mga OFWs na nanatili at nagtrabaho sa Saudi ay hindi na nila papayagang makapag-renew na nangangahulugan na aabutin sa 30% o tinatayang 350,000 mula sa 1.2 milyong OFWs na nasa Saudi ay nakatakda nang mawalan ng trabaho.
Sa natanggap na report ng Migrante-ME, may OFWs na ang na-terminate sa kani-kanilang trabaho dahil sa piniiral na Nitaqat system.
Isang consultancy firm na may 50% sa kanilang staff ay OFWs ay may 12 Pinoy engineers na nasibak o natanggal sa trabaho dahil sa paghahabol o bid ng ibang private companies na mailagay sila sa “green” at “yellow” categories.