MANILA, Philippines - Tiniyak umano ng Chinese government sa gobyerno ng Pilipinas na hindi sila gagamit ng puwersa sa isyu ng pinag-aagawang Spratly islands.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, isang welcome statement ang pahayag ng Chinese Foreign Ministry na lulutasin ang isyu sa Spratlys sa pamamagitan ng diplomatikong pamamaraan.
Ayon kay Lacierda, ang anumang hakbang upang pahupain ang tension sa isyu ng Spratlys ay malugod na tatanggapin ng gobyerno.
Nauna rito, tiniyak ni US Ambassador Harry Thomas Jr. na nasa panig ng Pilipinas ang US government sa lahat ng isyu kabilang ang pagresolba sa Spratlys sa West Philippine Sea (China Sea).
Samantala, nais buhayin ni dating House Speaker Jose de Venecia ang joint oil and gas drilling sa pagitan ng Pilipinas, China at Vietnam.
Ayon kay de Venecia, wala pang nakikitang pamalit para magsagawa ng dayalogo at negosasyon sa pagitan ng mga bansang nag-aagawan sa Spratlys. At ang tanging sagot lamang umano ngayon para matigil ang tensyon at humupa ang gulo ay buksan muli ang nasabing kasunduan na napaso noong 2006 at hindi pa narerenew hanggang ngayon.
Sa ilalim umano ng Comprehensive Formula to Solve Crisis of West Philippine Sea ay paghahatian na lamang ng Pilipinas at iba pang bansa na mga claimants ang kita mula sa langis na makukuha sa isla ng sa gayon ay maging pantay pantay ang lahat at maiiwasan pa ang pagsiklab ng giyera.
Maaari umanong sumama sa nasabing kasunduan ang Malaysia at Brunei.
Ang naturang formula ay ipinadala na ni de Venecia kay Pangulong Noynoy Aquino para sa maiprisinta nito sa kanyang pagbisita sa China sa susunod na buwan.
Paliwanag pa ni de Venecia, nauna na niya itong naisumite sa China at Vietnam na kapwa pinirmahan at sinangayunan ng dalawang bansa.