Live coverage ng Maguindanao trial aprub
MANILA, Philippines - Pinaboran ng Korte Suprema ang petisyon ng iba’t ibang media networks at organisasyon para sa live coverage sa paglilitis sa mga suspect ng Maguindanao massacre.
Mayorya ng mga mahistrado ang pumabor sa petisyon upang maipalabas at maipakita ang paglilitis sa pamamagitan ng live media coverage sa kasong hawak ngayon ni Quezon City Regional Trial Court Judge Jocelyn Solis-Reyes.
Nakasaad sa petisyon na ang pagbasura sa naunang ruling ng SC na maipalabas ang court proceeding ay paglabag sa right to information at freedom of the press.
Kasama sa naturang petisyon ang kahilingan ni Pangulong Aquino kay Chief Justice Renato Corona na maipalabas ng live ang trial ng mga Maguindanao suspects.
Umaabot sa 198 ang sinasabing sangkot sa pamamaslang sa 57 katao sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.
Kabilang na dito ang makapangyarihang pamilya ng Ampatuan sa pangunguna ni dating Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr.; anak na si Andal Jr., dating Datu Unsay town mayor; Sajid at Zaldy, ang suspendidong governor ng ARMM.
Ang Maguindanao massacre ay kinokonsiderang pinakamarahas na political violence sa bansa kung saan 32 mamamahayag ang namatay.
- Latest
- Trending