House probe sa APO ilalarga
MANILA, Philippines - Iimbestigahan na ng Kamara ang umano’y iligal na operasyon ng Asian Productivity Organization (APO) na nakakakuha ng multi-milyon pisong kontrata sa gobyerno kahit P2.3 billion ang pagkalugi at utang ng mga ito sa banko.
Sinabi ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino na hindi tinutupad ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio ‘Sonny’ Coloma ang pangako nito noong nakaraang budget deliberation na reresolbahin ang naturang isyu kasabay ng pagsasabing isasailalim sa regular procurement rules and accounting ang APO.
Sinabi ni Casino na inamin mismo ni Coloma na malaking problema at kwestiyonable ang operasyon ng APO na patuloy na nakakakuha ng multi milyong kontrata sa pamahalaan kahit na hindi ito ‘financially capable.’
Bukod dito, ilan din sa itinuturong anomalya sa APO ay ang ‘conflict of interest’ ng mismong chief of staff ni Coloma na si PCOO Undersecretary Eduardo Visperas. Ang lahat ng ‘printing jobs’ ng APO ay hindi rin umano dumadaan sa public bidding at may pinapaboran din silang ‘security printer’ kahit na blacklisted na ito sa National Printing Office (NPO).
Sa kabila nito, ang lahat ng imported materials na ginagamit ng APO ay ‘tax free’ o hindi pinapatawan ng buwis samantalang ang multi-million peso na kontrata nila ay hindi rin naire-remit sa Bureau of Treasury.
Ang registration ng APO sa Securities and Exchange Commission (SEC) ay non-stock, non-profit at mga publishing jobs lamang ang pinapahintulot sa kanilang mag-imprenta ngunit nakakakuha ng mga government accountable forms.
Bukod dito, sinabi ni Casino na bagamat kwestiyonable ang status ng APO nakakuha ito ng pondo mula sa pamahalaan samantalang hindi naman nagre-remit ng kita sa Bureau of Treasury taliwas sa programang tuwid na daan ni Pangulong Aquino.
Una nang ibinunyag ni National Printing Office Workers Association president Efren Villaluz na tumatanggap pa ng nakakalulang sweldo at allowances ang mga appointed na board of directors nito at may conflict of interest si Visperas na dating pangulo ng APO.
Nauna ng pinabulaanan ng APO sa pamamagitan ng pangulo nitong si Mila Alora ang mga akusasyon na anila’y demolition job ng mga taong nagpasasa sa NPO.
- Latest
- Trending